isang linggo na ako dito sa pilipinas… bawat araw na nagdaan, isang paalala kung ano ang nawala sa buhay ko simula ng umalis ako rito at nangibang bansa.
bawat araw ko rito ay mahalaga… sinasamsam ko at binibigyang kahulugan, isinisilid sa puso para muling gunitain ng paulit-ulit. ano bang meron dito na wala sa singapore? marami! hindi ko naman sinasabi na pangit doon. mas okay lang talaga dito sa pilipinas. una, nandito ang aming pamilya. pangalawa nandito ang mga kaibigan. ikatlo, nandito ang mga kapitbahay.
pamilya, kaibigan, kapit-bahay – halos lahat sa kanila, walang pakialam kung ano ang estado mo sa buhay, walang pakialam kung gaano kalaki ang kita mo, kung may kotse o condo ka. walang intriga pag nakatalikod ka. sa madaling salita, dito sa munting mundong ginagalawan namin sa pilipinas ay nararamdaman ko ang “belonging”. ano ba ito as salitang pilipino? belonging – “kaisa”, “kasama”, “kabayan”, “katoto”, “kabilang”. lahat ito’y napapatungkol sa akin bilang kabahagi… kabahagi ng isang pamilya, kabahagi ng isang barkada, kabahagi ng isang komyunidad.
sa singapore, si jet lang ang pamilya ko.
wala akong masasabing kaibigang tunay dahil lahat ng kakilala ko halos ay kasama ko sa trabaho. kaibigan ba sila? sa isang banda ay oo – pero sa isang banda ay hindi rin. wala naman silang pakialam talaga sa akin. kung bumaba ang benta ko o kaya di ko nagampanan ang trabaho ko, kaibigan pa rin ba nila ako? hindi siguro (lalo na sa materialistic na mundong ito, ika nga ni madonna).
kapitbahay? hehehe… walang kapitbahay sa singapore. magkakatabi nga kayo ng tinitirahan, di namam nagpapansinan. nagbibigayan ba ng ulam sa singapore? hindi. nagluluto ba sila ng bibingka sa kalsada for the fun of it? hindi. karamay – kapitbahay, yan ang komyunidad na pinoy. walang katulad sa ibang bansa kung kaya’t inuuwian ng mga kabayan tuwing pasko.
dalawang linggo na lang ang natira sa bakasyon ko, ngayon pa lang nalulungkot na ako dahil parang sobrang iksi… hehehe. HINDI – think positive kabayan. may pasko pa at bagong taon na darating. marami pang pagsasalong dadaluhan. marami pang beer na iinomin, marami pang lugar na papasyalan.
(ngumiti) ayan, masaya na ulit ako.