Pinturahan ng Kalburo

Lorenzo Padilla, may-akda;
Ernesto Hilario (Batch ’81), direktor;
Nicanor David, Elison Barcelo, Crisanto Liban, Josefina Robles, Davy de Jesus at Margarita de Jesus: mga nagsipaganap.

Buod at Tema

Ang Pinturahan ng Kalburo ay kasaysayan ng isang propesor mula sa Pamantasan ng Pilipinas, si Edong (Crisanto Liban), nakulong at matapos matanto ang kawalan saysay ng pakikipaglaban sa ating kurakot na pamahalaan ay iniwaksi ang kanyang idealismo at pinalitan ito ng pilosopiyang, “kung ano’ng tugtog, siyang sayaw.”

Ang kanyang pagbabalik mula sa bilangguan ay tulad ng kanyang inaasahan. Ang mga taong kanyang binusog sa magandang pangaral ay nag-iba na at di tulad na nang dati. Si Lolo Tasyo (Nicanor David) ay naglalasing palagi; si Enteng (Elison Barcelo) ay isa nang mandarukot; at si Neneng (Josefina Robles), na bunsong kapatid, ay nagkaputa.

Ang madramang eksena ng pagkakatagpo ng lolo’t nagkapatid at ang pagkasilaw ng kani-kanilang kahinaan ay nadagdagan pa nang dumating ang dalawang nilalang kabaranggay upang sabihing sa kanila na ipipinturahan ng puting kalburo ang mga bahay sa slum upang ito ay maging kaakit-akit sa paningin ng mga delegadong dadalo sa isang kumbensyong gaganapin sa Maynila.

“Ang tahanang ito, puno ng maruruming lihim. Pinturahan ng kalburo upang itago sa mata ng lipunan,”
— ang bulalas ni Lolo Tasyo dahil sa gayong pagkukunwari.

Ito mismo ang pinakatema ng dula.

Puna, Puri at Mungkahi

Sa pagtatalo lamang nina Lolo Tasyo at Enteng maganda ang usapan dahil sa lakas ng kanilang boses. Noon lamang nahatid ang damdamin ng mga artista. Ang mga ibang eksena, lalo na ang panaginip ni Lolo Tasyo, ay walang gaanong epekto sa mga manonood dahil sa kahinaan ng mga boses at kawalan ng damdamin sa pagsasalita.

Hindi gaanong masalimuot ang balangkas ng dula dahil iisa ang layunin o patutunguhan ng kwento. Ang kasukdulan ng dula ay ang pagdating ni Edong at ang pagtuklas ng pamilya ng mga kahinaan ng bawat isa. Malinaw ang pagkakalahad nito dahil sa mababang mga pananalita ng mga artista.

Nagwakas ang dula nang ihantulad ni Lolo Tasyo ang bawat isa sa kanila sa mga bahag-bahagong slum na pininturahan ng kalburo: malinis sa labas ngunit sa loob ay nabubulok. Bitin ang wakas sapagkat walang ibinigay na solusyon sa suliranin ng pamilya.

Para sa isang non-professional, ay maganda na ang pagkakadirehe ni Ernesto “Jun” Hilario. Hindi natin ito maihahantulad sa mga ibang dula, ngunit dapat nating tandaan na mga nagsiganap dito ay mga baguhan. Makatotohanan ang pagkilos ng mga nagsiganap maliban kay Davy de Jesus (Jose) na gumamit pa ng mike.

Naganap ang dula sa Tondo, Maynila sa panahong batas-militar pa ang umiiral sa Pilipinas. Kahit hindi gaanong marami ang mga props na ginamit ay naipakita rin na ang bahay ay nasa squatters’ area at ang mga nakatira doon ay laban sa pamahalaan dahil sa mga nakasulat sa dingding ng bahay.

Hindi gaanong binigyang-pansin ng direktor ang mga gamit ng mga nagsisipaganap. Si Lolo Tasyo ay nakasuot ng jogging pants; si Enteng ay nakarelos, jacket at bagong sapatos; si Jose ay nakasuot ng uso sa moda ngayon. Si Edong lang marahil ang nakasuot nang tama.

Di na rin gaanong nabigyang-pansin ang ilaw maliban sa bahaging nanaginip si Lolo Tasyo ngunit di naman gaanong mahalaga ang ilaw at mawala ang pagiging makatotohanan ng dula kung sobrang “arte” ang ilaw. Malaking tulong sana kung may background music ang dula. Sa dulang ito, ang musika ay inilagay sa pagitan ng mga eksena. Mas maganda sana kung may musika sa gitna ng mga eksena mismo, hindi sa pagitan.

Angkop ang pamagat ng dulang Pinturahan ng Kalburo. Wika ng direktor nito sa isang open forum ukol sa simbolismo ng pamagat: “Ang pinturang kalburo ay nangangahulugang madaling mawala, pansamantala; isang ulan lamang ay mabubura na ito. Ganyan din ang hakbanging pampalasa ng pamahalaan upang pansamantalang iligaw sa mga delegado ang tunay na kalagayan ng mahihirap. Subalit ang gayong pagtatakip ay manipis, nilalayong lamang na huwag mabunyag ang lipunang slum.”

Pangkalahatan ay mainam na rin ang presentasyon ng dula. Kaya lang, higit na gaganda ang dula kung malakas ang tinig ng mga nagsiganap. Dapat din sanang gawing makatotohanan ang mga kasuotan ng mga nagsiganap upang umangkop sa katayuan sa buhay ng mga tauhan. Gaganda rin ito kung may background music.

— CDL at AJJr., ’83


Caption ng Larawan

“Ang tahanang ito, puno ng maruruming lihim. Pinturahan ng Kalburo upang itago sa mata ng Lipunan.” Si Nick David, Jr. (inset), si Elison Barcelo at si Josefina Robles sa isang tagpo.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.