ito ang unang entry ko sa kwentong tambay… punong-puno ng lungkot, pagduda at indecision. umalis ako ng pilipinas pagkatapos ng labindalawang taon na pagtatrabaho. umalis ako upang mabayaran ang bahay at para makapag-ipon. sinimulan ko itong blog na ito sa unang buwan ng pagdating ko dito sa singapore. ang dahilan ng pagsusulat ay simple lamang: upang maibsan ang pag-iisa at pag-aalala.
pag nagsabi kayo ng “happy labor day” sa mga migrant worker na tulad namin, halo ang lungkot at saya ang aming nararamdaman. para kang kumain ng masarap na ginisang ampalayang may itlog: bittersweet. sa isang banda, ang pagpaparito ay nakakapagpaangat ng buhay pero sa isang banda ay malupit dahil malayo ka sa mga tao at sa bayang mahal mo.
si ibet, uuwi ngayon pabalik ng pilipinas upang makita ang kanyang ina for the last time. sina roland (classmate ko sa pagyoyosi), tolits, dodong, rodel at rex na nasa saudi, malalayo ngayon sa pamilya – puro kalyo na nga raw ang kamay nila eh. sama mo na ang milyong milyong mga pinoy na nagpapakaalipin sa ibang bansa upang makapag-aral ang mga anak, magkaroon ng maayos na tirahan, makatulong sa mga sangkatutak na kamag-anak at makapag-ipon upang makauwi tuwing pasko na may dala-dalang pasalubong kahit papaano.
sa inyong lahat na mga migrant workers at mga OFW… isang malutong na “happy labor day”!